Masuwerte ang kabataan ngayon dahil may anestisyang ginagamit sa pagtuli, di tulad noong araw na katas ng nginuyang bayabas lamang ang panlaban sa sakit at impeksyon.
"Pukpok" ang tawag sa pagtuli noon. Ang mga batang tutuliin ay pinapaligo muna sa tabing ilog, (marahil ay upang lumambot ang balat na hihiwain) at pinangunguya ng dahon ng bayabas na ang katas ay dinidura nila sa bagong tuling ari matapos ang "operasyon,"
Sariwa pa rin sa alala ni Mang Berto (ayaw pabanggit ang tunay na pangalan), 59, ang araw nang tinuli silang magbabarkada isang umaga sa ilalim ng niyog sa Cajidiocan, Romblon.
"Lima o anim na batang lalaki kami noon. Ako ang pinakabata, pitong taon ako noon. Habang ngumunguya ng bayabas, ang ari ko'y pinatong sa tinatawag na katangan na gawa sa kahoy, saka hiniwa ng pahaba ang lambi," aniya.
Nagsisigaw siya sa sakit. Ang katas ng nginuyang bayabas ay pinadura sa kanya sa sugat ng tuli.
"Noong araw kasi, paniwala na may natural antibiotic ang dahon ng bayabas," aniya. (Larry Rey)