"TOO MUCH LOVE WILL KILL YOU"
San Agustin, Romblon - Umaksiyon na ang National Bureau of Investigation at Internal Affairs Service ng PNP laban kay PO3 Rodolfo Dela Cruz ng WPD Station 4 ang pinaghihinalaang "killer cop" na pumatay kay Benito Magracia ng San Agustin, Romblon, 34 taong gulang, binata at nagtratrabaho bilang Subscription Line Executive ng Globe at Smart Telecoms.
Ang biktima ay binaril matapos pahirapan diumano sa harap ng mga kasamahang pulis sa loob mismo ng Ramon Magsaysay PCP Station 4, Sampaloc, Manila noong Marso 5, 2002 bandang alas otso ng gabi.
Ang naturang insidente ay maagang naibalita sa radyo at mga pahayagan, subalit may mga pagkakamali sa mga naibalita dahil hindi man lang pinakinggan ang testimonya o pahayag ng mga nakakita mismo sa naturang insidente.
Ayon pa sa salaysay ng mga kaanak ng biktima, ang walang katwirang pamamaslang na ito ay nangyari bandang alas sais ng hapon noong si Benito ay dumalaw sa kanyang nililiyag na nakilalang si Ms. Cosmeguela dela Cruz. Habang sila ay masayang nag-uusap ay bigla namang dumating itong nanay na si Aida De la Cruz. Pagkakita sa biktima na kausap ang kanyang anak ay agad niya itong minura sabay banta na "ipapasalvage" niya diumano ang biktima sa suspek na kanyang bayaw na pulis na si PO3 Dela Cruz. Ang pag babanta na ito ay nag-umpisa na mula pa noong nakaraang isang taon, subalit ito ay ipinagkibit balikat laman ng kawawang binata dahil na rin sa kanyang sobrang pagmamahal kay Ms. Cosmeguela Dela Cruz. Sa hindi malamang kadahilanan ay inutusan kaagad ng kanyang nanay na ipabugbog si Benito sa kanyang mga kasamahang lalaki. Matapos malamog ang walang kalaban-labang biktima ay napansin niyang nawawala ang kanyang pera na nagkakahalaga ng mahigit dalawang libong piso pati na rin ang kanyang cellphone na Nokia 5110. Dahil rin sa kahalagahan ng mga tel. nos. ng kanyang mga kliyente sa trabaho, lalo na ang mga "sweet text messages" ni Ms. Cosmeguela Dela Cruz ay pinilit niya itong bawiin sa kay Aling Aida Dela Cruz. Subalit hindi na rin ito nangyari dahil biglang dumating ang asawa ni Aida Dela Cruz na may kasamang dalawang pulis. Dahil sa pagod at sakit na tinamo sa pagkabugbog ay di nagawang umiwas ng biktima sa ginawang pag aresto sa kanya. Siya ay sapilitang binitbit ng dalawang pulis papunta sa Ramon Magsaysay PCP Detachment. Si Benito Magracia ay nagawa pang tumawag ng dalawang beses, humihingi ng tulong at isalaysay ang totoong nagyari sa kanya sa Trabajo Market hanggang sa pag aresto sa kanya. Agad siyang pinuntahan ng kanyang nakatatandang kapatid para matulungan subalit mas mabilis ang ginawang pag papatahimik sa kanya ng PO3 Rodolfo Dela Cruz. Ang kapatid niyang si Rolly Magracia ay pilit pang iniligaw ng mga nag aabang na pulis sa kanyang pagdating. Subalit may isang pulis na nakonsyensya at kaagad na sinabi na ang kapatid niya ay binaril at dinala na sa UST Hospital. Kaagad na pinuntahan ito ni Rolly subalit isa na itong malamig na bangkay ng maabutan sa UST Hospital. Si Benito ay ideneklarang Dead on Arrival (DOA). napansin ng kanyang kapatid na si Rolly na tumama ang bala sa ibabang kanang dibdib ni Benito at tumagos sa bandang puwitan.
Maraming pasa sa katawan at mga paa at napansin din na bali(broken) ang kanan niyang kamay. samantalang ang kaliwang niyang mata ay may kalmot ng mga kuko. Agad na inereklamo nila ito sa WPD Homecide Section bandang ala una ng madaling araw noong Marso 6, 2002. Subalit sila ay pinagalitan at pinabalik na lamang kinabukasan ng alas tres ng hapon. Sa kanilang pagbalik ay hindi naman sila kinunan ng statement dahil hindi pa raw kumpleto ang papeles.
Sa ikatlong araw ay ganonon pa rin ang nangyari sa parehong oras, ito ay sinamahan pa nila ng pangako na isusuko ang suspek subalit di ito nangyari sa di malamang dahilan. Kung kayat napilitanang mga kaanak na idulog ito sa National Bureau of Investigation para maiwasan na ma whitewash ang naturang kaso.