Hanga ako sa mga pambubulgar mo sa mga katiwaliang nangyayari sa DPWH-Odiongan Office. Maski papano, nalalaman ng taong bayan ang mga nangyayari sa ating gobyerno dahil sa pagsisikap ninyong labanan ang katiwalian sa ating probinsiya.
Alam ninyo, noon pa mang panahon ng mga lumipas na administrasyon, talamak na ang corruption sa DPWH, kaya wala tayong makitang katinuan sa mga istruktura na pinipunduhan at itinatayo ng gobyerno. Isang bagyo lang ang dumaan, nagkakawindang-windang ang mga kalsada, tulay, sea wall at eskwelahan. Ang dahilan, malalaking pera halos 60% ng pondo para sa proyekto ang napupunta sa mga contractor, mga DPWH Officials, mga Engineers, mga politiko at mga bata-bata ng politiko. May mga proyekto ngang binigyan na ng pondo, ngunit pinalabas sa DPWH report na natapos, ngunit ni anino wala kang makita sapagkat ang pondo ay kinurakot ng "walanghiyang opisyales" natin.
Ang corruption ay nangyayari lamang dahil na rin sa mga pakikipagkutsabahan ng mga DPWH officials at mga politiko. Kung sana ay matino ang ating mga politiko sa gobyerno na kanilang binabantayan ng mabuti ang paggamit ng ating pondo, matagal ng gumanda ang ating mga kalsada at iba pang imprastraktura. Ang problema ay talagang gahaman lang sa "kwarta" itong mga politiko natin at ang kanilang mga aso. Ang tanong: Nagbago na ba ang sistema? Bumuti ba ang takbo ng ating Public Works and Highways sa Romblon? Hindi. Katunayan lalo pa ngang lumala ito.
Sa DPWH ngayon, ang alam ko hanggang sa ngayon, ang sistema ng pangungontrata ay hawak ng isang sindikato o mafia mayroon isang "GOD FATHER" na nagpapatakbo nito. Siya ang tunay na Contractor. Wala siyang lisensyang mangontrata ngunit gumagamit lang siya ng mga ibang contractor. Kung sino ang pipiliin niyang mangotrata siya ang susunod. Ang contractor ang nagtatayo ng proyekto ngunit maliliit lang ang kinikita ng mga ito ngunit ang malaking halaga ay sa mga sindikatong politiko.
Habang malayang nakikinabang ang sindikatong ito asahan ninyo na mananatiling "balasubas" tayong mga Romblomanon dahil nagpabili tayo.
May pag-asa pa ba tayo rito sa bagong nakatalagang district engineer sa katauhan ni Eng'r Bienvinido Marcial? Hindi kaya siya ay tuta rin ng mga politikong nakikinabang?