"Bakit tayo lilipat sa palengkeng depektibo at may irregularidad ang pagkagawa' - Vice Mayor John Andrew Reyes By RTStaff
Sinimulan na ang pinangangambahang pagpapalikas sa mahigit kumulang na 300 vendors sa loob ng lumang palengke upang lumipat sa bagong tayong palengke sa Barangay Dapawan. Ito ay inumpisahan noong unang linggo ng buwan ng Abril kasabay sa kapistahan sa naturang bayan. Kaagad namang lumipat ay ang mga taga wet market section vendors na nagtitinda ng mga karne at isda at ilang mga nagtitinda sa gitna ng kalye at bangketa sa harap ng lumang palengke na nagbabayad kay Ginoong Ismael Yap, ang Market Supervisor sa halagnag limang piso hangang pitong piso. Subalit ayon sa dumating na balita, karamihan sa mga nagtitinda ay nagri-reklamo ngayon dahil sa kakulangan ng tubig, di maayos na drainage system at palpak na sistema ng pagpapatupad. "Napilitan lamang kaming lumipat dahil natakot kami kay Ismael Yap aka 'Maing" dahil pinagsisipa niya ang aming mga tinda at tinatakot na kanya ring ibubuwal ang aming mga lamesang pinagtitindahan. Hindi naman niya pinakikita ang order sa amin kung si Mayor Diday nga ang siyang nagutos na kami'y paalisin na." Ito ang pahayag ng isang vendor na ayaw magpabanggit ng pangalan. "Babalik kami sa Old Market kung kinakailangan," dagdag pa ng isang may katandaan ng babae."
Maalala ring una nang naging kontrobersyal ang pagtayo sa nabanggit na palengke mula ng mabili ang lote ni dating mayor at ngayon ay Congressman Totoy Ylagan at huling administrasyon ni dating Mayor Jemly Fernandez dahil pinaghihinalaang si Ylagan ay kumita sa naturang bentahan. Si Fernandez naman ay pinaghihinalaang ang pamilya nito ang siyang tunay na kumontrata sa likod ng paggamit sa pangalan ni Eng'r Carlos Paci, ang Contractor dati sa prestihiyosong Catholic School sa Odiongan.
Ang mga vendors ay sumuporta kay Mayor Diday M. Famatiga noong nakaraang eleksiyon dahil sa pangako nitong hindi sila tatanggalin at sila ay ipagtatangol.
ANOMALYA, PATULOY NA SINISILIP
Maalaalang mahigpit na tinutulan ito noon ng grupo ni Konsehal Dominador Bantang, Sanguniang Bayan Member at ilang mga Bgy Chairmen sa pamumuno ni Kapitan Rollie Lachica ng Bgy Batiano, ang diumano ay "ma-anomalyang transaksiyon" sa palengke kung saan ay nagkaroon ng kaso ito sa Ombudsman sa paglabag sa R.A. 3019, ang Anti Graft and Corrupt Practices Act taong 1998-2000, laban kina dating Mayor Jemly Fernandez at Rosebi D. Agaloos, Municipal Planning and Development coordinator, subalit natalo.
Sa isang sulat sa pahayagang ito ni Lachica, Punong Bgy. ng Batiano noong January 2002 ay kanyang binanggit ang sinabi ni Vice Mayor John Andrew Reyes ng Odiongan, "bakit tayo lilipat sa palengkeng depektibo at may irregularidad ang pagkagawa. Dapat na managot ang lahat ng responsable sa pagkagawa ng nasabing palengke."
"At inaantay ko na pangatawanan ni Vice Mayor Reyes ang kanyang sinabi na magkaroon ng imbestigasyon at maisampa ang nasabing reklamo sa kinauukulan, lahat ng mga "nakinabang at tumanggap" sa pagkakagawa ng nasabing palengke ay dapat na magkaroon ng parte sa kaparusahan," ayon pa sa ulat ni Chairman Lachica.
Samantala, sinabi naman ni Eddie Perez, taga-pangulo ng Odiongan Market Vendors Association o OMEVA, "kami ay di tutol gibain ang lumang palengke alang-alang sa pagpaganda ng Plaza o kung ano man ang gusto nilang gawin sa ngalan ng kaunlaran, subalit ang aming hanay ay di lilikas hanggat di naa-aprubahan ang Market Code na magsisiguro sa protiksiyon ng murang presyo ng mga masang mamimili. Karapatan din naman naming ipagtanggol ang kasiguruhan ng aming hanapbuhay at kinabukasan ng aming mga anak."
Ayon pa sa isang mamimili na ayaw ng magpabanggit ng pangalan, matagal na panahon na rin silang mamimili ng dating palengke at nakasanayan na nila rito, kung ililipat ito sa malayong puwesto, dagdag gastos na naman ito sa kanilang budget, at dirin sila sigurado baka tumaas pa lalo ang mga bilihin doon dahil wala pa ring price control sa Odiongan.
Subalit sa kabilang banda, sinabi ng mga taong pabor sa naturang proyekto, "ang planong pagbubuwag sa Old Market building ay hindi lamang magpapaganda ng Odiongan kundi solusyon din ito sa lumalalang trapiko sa mga kalye ng Odiongan., ang pinakamalaking lugar sa Romblon na pinangakuan ni Ylagan na gagawing siyudad noong Gobernador pa lamang subalit wala pa ring katuparan hanggang ngayon.