Sa darating na Disyembre 29, 2002 ay uuwi sa aming bayan ang maraming alumni ng Cajidiocan Barangay/National High School mula sa iba't-ibang lugar sa Pilipinas at ang iba ay galing pa ng abroad. Sa darating na pagtitipong ito ay muling magkikita-kita ang mga nagtapos sa nabanggit na paaralan mula sa taong 1966 hanggang taong 2001. Matindi ito dahil minsan lamang sa loob ng mahabang panahon nangyayari ang ganitong pagkakataon. Sana ay suportahan natin ang Grand Alumni Homecoming na matiyagang inorganisa ni Mr. Noel Machon, ang principal ng CNHS kasama ang kanyang mga kasamahang guro.
Muli ko namang maalaala ang aming batch '82 na punong-puno ng magagandang alaala nong mga nakaraang panahon ng pagsasama sa kalungkutan at kasayahan! Kita-kits, nalang tayo; akin ang una at huling tagay.
***
Saludo ako sa pamumunong pinapairal ngayon sa Sangguniang Bayan ng Romblon, Romblon. Walang takot at pasubali na umaksyon si Kasamang Lyndon Molina laban sa isang empleyadong sangkot sa ilegal na droga sa bayang ito; alam naman natin na ang droga ay hawak ng mga sindikato. Nagsisimula na ang imbestigasyon ngayon sa kasong administratibo laban sa nasabing empleyado na diumano ay sangkot sa pagbebenta nga shabu sa loob mismo ng munisipyo. Sa ganang akin, sana ay walang pulitikong "protektor" na kumakandili sa napabalitaang akusado. Dahil kung meron man, ay isa itong malaking katarantaduhan at kataksilan sa bayan. Ang pulitikong pumo-protekta sa droga ay walang karapatang tawaging "honorable"; dapat dito ay pagsuotin ng barong na may bulak sa ilong at may kasamang tugtog ponebre!
***
Unti-unti nang pumapalag ang mga Sibuyanon sa tinaguriang nilang "day light robbery" diumano sa pier ng Cajidiocan. Bakit daw ngayon ay pinapapila na sila at sinisingil pa ng P5 kada tao? hindi naman daw ganito ang sistema sa pier ng Ambulong.
Ang balita ko ay inaprubahan ito ng Sangguniang Bayan ng Cajidiocan. May public hearing kaya ito upang sana man lang ay pakinggan ang panig ng mamamayan? Mukhang may sabit daw ito sa Local Government Code dahil hindi raw kapangyarihan ng SB ang magbatas ng anumang tax ordinance na nauukol sa wharfage fees at iba pang kagayang bayarin sa pantalan. Ayon sa ating napag-alaman, ang PPA diumano ang may kapangyarihang sumingil ng ganitong impositions, hindi ang munisipyo. Sana naman ay mali ang sapantanhang ito ng marami. At tama ang munisipyo dahil kung hindi ay isa na naman itong malaking panloloko sa publiko. Handa ang pitak na ito na ilathala ang panig ng mga kinauukulan tungkol sa isyung ito na iparating sa inyong abang lingkod.
***
Binabati ng Romblon Today ang matagumpay na pagdaraos ng Cambijang Family, isang grupo ng mga residente sa Cambijang Metro MAnila, ng kanilang Christmas party na ginanap sa Paredes Covered Court, Sampaloc, Manila noong Dec. 14, 2002.. Ang inyong lingkod ay naimbitahan at mga kasamahan ng RT.
Ang naturang pagtitipon ay pinamunuan nina Nonoy Ramirez, Fulgencio Rabino Jr. at iba pang mga matiyagang nag-organisa nito. maraming salamat po! Merry X-Mas!!!